PATAY ang dalawang batang edad 3 anyos at 4 anyos nang masunog ang kanilang bahay noong araw ng Pasko, 25 Disyembre, sa bayan ng Tubod, lalawigan ng Lanao del Norte.
Ayon kay P/Maj. Salman Saad, tagapagsalita ng Lanao del Norte police, ikinandado ng mga magulang ng magkapatid ang bahay at tanging kasama lang nila sa loob ay isang nakataling aso sa Barangay Tanguegueron, saka tumungo sa kanilang taniman dakong 8:00 am noong Biyernes.
Sa salaysay ng mga kapitbahay, nagsimula ang sunog dakong 11:30 am at sinubukan umanong apulain ito ngunit mabilis na kumalat ang apoy sa bahay na gawa sa light materials.
Dagdag ni Saad, nakita rin umano ng mag-asawang kinilalang sina Junie Palongpalong at Judelyn Gargoles ang sunog mula sa kanilang taniman at dali-daling umuwi ngunit nadatnan nilang naabo na ang kanilang bahay.
Natagpuang magkayakap ang sunog na mga labi ng magkapatid sa kusina ng bahay.
Patuloy na nag-iimbestiga ang mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng apoy dahil walang linya ng koryente ang bahay.
Kinukuwestiyon din ng pulisya ang dalawang kapitbahay na ayon sa mga residente ay malapit sa nasusunog na bahay ngunit hindi sinubukang iligtas ang mga bata.