BINAWIAN ng buhay ang pito katao, kabilang ang isang 10-anyos bata, dahil sa matinding pagbaha sa lalawigan ng Quirino dulot ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Sa Laging Handa Public Briefing nitong Lunes, 16 Nobyembre, sinabi ni Quirino Governor Dakila Carlo Cua, kabilang sa mga namatay ang isang 10-anyos batang nalunod, at anim na empleyado ng isang minahan sa boundary ng mga lalawigan ng Nueva Vizcaya at Quirino.
Dagdag ni Cua, maaari nang madaanan ang mga pangunahing kalsada at mga tulay sa Quirino na pansamantalang isinara dahil sa mga pagguho ng lupa.
Nakauwi sa kanilang mga tahanan ang karamihan sa mga bakwit dahil humupa ang baha.
“Kakaunti na lang po ang naiwan sa evacuation centers natin. Mainly, iyong mga naiwan diyan ay mga severely affected iyong kanilang bahay,” ani Cua.