SINISI ang tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Ulysses, na nagging sanhi ng malawakang pagbaha sa ilang mga barangay ng 14 bayan at isang lungsod sa lalawigan ng Pampanga nitong Huwebes, 12 Nobyembre.
Kabilang sa mga binahang bayan ang Macabebe, Masantol, Sasmuan, Candaba, San Luis, Minalin, Sto. Tomas, Lubao, Guagua, Apalit, San Simon, Sta. Ana, Mexico, at Bacolor, kasama ang lungsod ng San Fernando.
Tumaas ang baha sa mga naturang lugar mula tatlo hanggang limang talampakan.
Sa mga bayan ng Masantol, Candaba, San Luis, at Macabebe, hindi bababa sa 50 coastal barangay ang lumubog sa baha na may lalim na tatlo hanggang limang talampakan, ayon sa ulat ng Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Nauna nang ipinag-utos ni Pampanga Governor Dennis Pineda ang pre-emptive evacuation sa mabababang lugar sa ika-apat na distrito ng lalawigan dahil sa pinangangambahang epekto ng storm surge.
Inihanda ng mga lokal na disaster risk reduction and management councils at mga lokal na opisyal ang limang permanenteng evacuation centers para sa mga apektadong residente.