IPINATIGIL ng pulisya at mga opisyal ng lungsod ng Cebu ang operasyon ng isang tindahan ng mga sapatos matapos dagsain ng mga tao nang mag-anunsyo ng 11.11 sale ang JS Footwear.
Makabibili ng tatlong pares ng sapatos sa halagang P998 sa 11.11 sale ng nasabing tindahan.
Hindi pinayagang magbukas kahapon, 11 Nobyembre, ang JS Footwear, sa Sanson Rd., Barangay Lahug, sa nabanggit na lungsod, dahil sa pagdagsa ng maraming tao, maliwanag na paglabag sa CoVid-19 protocol ukol sa social distancing.
Makikita sa mga video at mga larawang kumakalat sa social media ang daan-daang taong pumila sa labas ng tindahan.
Ayon sa mga may-ari ng tindahan na kinilalang sina Eden Grace at Jhustine Cabor, hindi nila inaasahang ganoon karaming tao ang pupunta sa kanilang sale.
Nangako ang dalawa na itatama ang kanilang pagkakamali upang muling payagang magbukas ang kanilang tindahan.
Samantala, nalaman ng mga awtoridad na walang special permit mula sa Department of Trade and Industry (DTI) ang tindahan at nakabinbin ang kanilang business permit sa Cebu City Hall.
Nag-isyu ng show cause order laban sa mga may-ari ng tindahan upang makapagpaliwanag sila kung bakit hindi sila dapat magkaroon ng pananagutan dahil sa paglabag sa CoVid-19 protocol.