HINDI inasahan ng mga residente sa mga barangay ng Sineguelasan at Alima sa lungsod ng Bacoor, sa lalawigan ng Cavite, na sa sunog mawawala ang kanilang mga tahanan sa tabi ng dagat imbes sa bagyong Rolly na kanilang pinaghandaan.
Dakong 10:00 pm noong Linggo, 1 Nobyembre, nang sumiklab ang sunog sa isang residential area na tinitirahan ng mga mangingisda at magtatahong.
Aabot sa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa insidente na naganap ilang oras matapos manalanta ang bagyong Rolly sa lalawigan.
Nasa evacuation center ang karamihan sa mga residente dahil inilikas sa banta ng daluyong na dala ng bagyong Rolly, ngunit napabalik sila nang mabalitaang nilalamon ng malaking apoy ang kanilang mga bahay.
Inabot nang tatlong oras bago naapula ng mga bombero ang sunog na umabot sa ikaapat na alarma.
Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasabing insidente ng sunog.