ISANG lalaki ang nasakote nang tangkaing saksakin si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano gamit ang tatlong kutsilyo, sa loob ng kaniyang tanggapan sa Kapitolyo, sa bayan ng Mamburao, nitong Martes ng umaga, 1 Setyembre.
Kinilala ni Gadiano ang suspek na si Adriane Gatdula, residente ng lalawigan, bagaman nagtataka ang gobernador sa motibo ng pagtatangka sa kaniyang buhay.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Mamburao police si Gatdula matapos madakip sa loob ng tanggapan.
Kinompiska ng pulisya ang cellphone ni Gatdula sa pag-asang matukoy kung mayroong kinausap ang suspek kaugnay sa kaniyang pagsalakay sa Kapitolyo.
Naganap ang insidente dakong 10:00 am kahapon habang nagtatrabaho si Gadiano sa kaniyang tanggapan.
Ayon sa gobernador, maraming tao sa loob ng opisina nang biglang pumasok si Gatdula at hinagisan siya ng kutsilyo.
Nagawang makailag ng gobernador sa kutsilyo ngunit naglabas ng dalawa pang kutsilyo si Gatdula at tinangka siyang saksakin.
Hinarangan ng gobernador at ng kaniyang tauhan ang suspek gamit ang mga bangko hanggang makorner si Gatdula sa banyo ng opisina.
Nang dumating ang mga security personnel, inilabas nila ang gobernador mula sa kaniyang opisina patungo sa mas ligtas na lugar sa kapitolyo.
Naniniwala si Gadiano na gusto siyang patayin ng suspek bagaman wala siyang natatanggap na pagbabanta sa kaniyang buhay bago maganap ang insidente.