CONSUMERS at mga residente ng Iloilo City mismo ang umaapela sa Korte Suprema bilang final arbiter sa legal issue sa pagitan ng dalawang distribution utility — ang More Electric and Power Corp., at Panay Electric Company (PECO) — na magdesisyon sa kaso, na may pagsaalang-alang sa kapakanan ng 65,000 power consumers ng lalawigan.
Ang pahayag ay ginawa ng pinakamalaking transport cooperative sa lalawigan kasunod ng hindi pa nareresolbang legal issue sa pagitan ng dalawang power firm.
Ang More Power ang bagong nangangasiwa sa pagsu-supply ng koryente sa Iloilo City na nabigyan ng legislative franchise ng Kongreso, business permit mula sa Iloilo City Government, at Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) ngunit kinuwestiyon ng PECO at sinabing unconstitutional ang takeover sa kanilang negosyo, na ngayon ay dinidinig sa Korte Suprema.
Ayon kay Halley Alcarde, General Manager ng Western Visayas Transport Cooperative (WVTC), bagamat may anim na buwan pa lamang ang More Power bilang power supplier ng lalawigan ay malaking kaibahan at kaginhawan na ang kanilang nararanasan kompara sa ilang dekadang pahirap na dinanas sa serbisyo ng PECO.
“Alam namin na legal issues ito, mga batas ang pagbabatayan ng ating mga mahistrado pero sana ang aming apela bilang consumers ay iprayoridad at tingnan ang kalagayan noon at ang malaking kaibahan ngayon sa power supply sa Iloilo. Sa totoo lang kami ay parang nabunutan ng tinik, na-solve ang aming reklamo sa problema sa koryente at ito sana ang makita ng SC,” paliwanag ni Alcarde.
Bilang patunay na ikinatutuwa ng mga residente ang pagpapalit ng power supplier at ang takeover ng More Power ay maaaring tingnan ang mga social media accounts ng power firm dahil makikita rito ang mga mensahe ng papuri at hindi reklamo.
“May brownouts pang nararanasan sa Iloilo pero scheduled power interruption na ito at may abiso kung hanggang anong oras, malayo noon na nawalan ng koryente, hindi mo alam kung bakit at inaabot ng ilang araw. Nakikita namin na natutugunan na ang problema hindi gaya no’ng sa PECO na walang aksiyon,” dagdag ni Alcarde na siya mismo ay saksi sa mabilis na pagtugon ng kompanya sa reklamo.
Samantala sinabi ni Francis Gentoral, Executive Director ng Iloilo Economic Development Foundation, Inc., bagamat nasa transition phase pa ang pamamahala ng More Power ay makikitang may accountability at transparency sa ginagawa nito at mahalaga na nakukuha ng consumers ang tamang serbisyo sa binabayaran nila.
Bilang isang grupo na nanghihikayat ng investors sa lalawigan, sinabi ni Gentoral na kapansin-pansin ang mga pagbabago sa power system sa Iloilo City sa ilalim ng More Power.
Kung dati ay may investors na umaatras kapag nakikita ang estado ng supply ng koryente, sa ngayon ay positibo ang reaksiyon ng investors sa ginagawang pagsasaayos ng bagong power firm.
Una nang sinabi ni More Power President Roel Castro na aabutin ng tatlong taon bago tuluyang maimodernisa ang kabuuan ng power system sa Iloilo City, sa tulong na rin ng kanilang inilatag na P1.8-bilyong modernization program.
Sa ilalim ng programa, ang mga pangunahing problema na pagpapalit ng mga sira-sira at lumang pasilidad ay kanila nang nasimulang ayusin.
Bagamat nasa ilalim ng lockdown ang bansa dahil sa pandemyang COVID, hindi naging hadlang para ilunsad ang mga pagawain sa power system sa Iloilo City, mula nang i-takeover ng More Power.
Noong Pebrero 2020 ay nai-upgrade nito ang 100 distribution transformers, napalitan ang mahigit sa 100 electric poles, isinaayos ang 97 hotspot connectors, napalitan ang lahat ng switchboards at transformers sa lahat ng 5 substations, at kasalukuyang lumalarga ang pagpapalit ng mga depektibong electric meters sa 15,000 residente.
Sa technical study na ginawa ng Miescor Enginering Services Corp., una nitong sinabi na manually operated ang mga pasilidad na ginagamit ng PECO na karamihan ay ginawa pa noong 1960s, dahil hindi na ito akma sa panahon ay maaaring pagmulan ng sunog lalo at nakitang umaandar sa 90% capacity ang load ng mga power substations na dapat ay 70% lamang.
Bukod sa consumer groups, ilang multi-sectoral groups din ang nauna nang nagpahayag ng suporta sa More Power kabilang ang simbahan, mga teachers’ group at transport sector.
“From visibility, transparency, rapid response, courteous personnel, to leading a transformational impact in the campaign to rid Iloilo City of power thefts, the new utility distributor is creating change,” pahayag ni Pastor Nestor Gonzales.