LABAG man sa kalooban, napilitan ang isang ginang na tuluyang ireklamo ang kanyang 30-anyos anak na hinihinalang lulong sa shabu matapos siyang tutukan ng patalim at pagbantaang papatayin nang hindi niya bigyan ng pera nitong Sabado ng gabi sa Malate, Maynila.
Kinilala ang suspek na si Jerden Villafuerte, residente sa Fidel Reyes St., Malate.
Ayon sa ulat, 8:00 pm nang bitbitin ng mga awtoridad si Villafuerte sa tulong ng ilang barangay tanod sa Barangay 709 Zone 78 sa nasabing lugar dahil sa ginawang panunutok ng patalim at pagbabanta na papatayin ang inang si Aurora.
Sa reklamo ng biktima, pilit umanong nanghihingi ng pera ang kanyang anak sa hindi malamang dahilan na maaring pambili ng droga o alak.
Nang hindi bigyan ng ginang ng pera ang anak, kumuha umano ito ng 11 pulgada kutsilyo at saka itinutok sa ina sabay banta na papatayin kapag hindi ito nagbigay ng pera.
Sinampahan si Villafuerte ng kasong grave threat sa Manila Prosecutor’s Office ng kanyang sariling ina. (VV)