NAGTALA ng kauna-unahang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ang lalawigan ng Siquijor mula sa dalawang locally stranded individuals (LSIs) mula Metro Manila, na umuwi sa probinsiya kamakailan at kasalukuyang nasa quarantine facility.
Sa loob ng pitong buwan, nanatiling COVID-19 free ang lalawigan dahil sa mahigpit nitong implementasyon ng health at safety protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sa kaniyang opisyal na pahayag, humihiling ng pang-unawa si Siquijor Governor Zaldy Villa at klinaro na ang mga bagong kaso ay hindi mula sa local transmission.
Tiniyak ni Villa sa publiko na ginagawa ng kanilang medical personnel at iba pang frontliners ang kanilang makakaya upang maipatupad ang mga kaukulang hakbang upang ma-contain ang virus, at maiwasan ang pagkalat sa iba pang mga lugar sa Siquijor.
Dagdag ni Villa, pawang mga residente ng mga bayan ng Lazi at Larena ang dalawang nagpositibo sa COVID-19 at kapwa mga LSI na umuwi mula sa Metro Manila.