TINATAYANG nasa 800 locally stranded individuals (LSIs) ang nananatili sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila habang naghihintay ng biyahe pauwi sa kanilang probinsiya.
Nauna nang nakaalis ang 1,000 LSI nitong Miyerkoles ng umaga patungong Caraga Region.
Noong nakaraang linggo, libo-libong mga papauwing probinsiya ang naipon sa stadium sa ilalim ng Hatid Tulong program ng gobyerno.
Sa pagdagsa ng LSIs, hindi na nipatupad ang social/physical distancing sa harap ng lumalalang banta ng COVID-19.
Humingi ng paumanhin ang mga opisyal matapos umani ng batikos.
Bagama’t marami ang nabawas sa bilang ng mga nasa stadium, may ilan pang nananatili gaya ni Lorna Borja, isang araw munang nanatili sa ilalim ng LRT 1 sa Pasay bago nabigyan ng tulong.
Matapos umalis sa kaniyang trabaho bilang kasambahay sa loob ng anim na taon, umaasa siyang makauuwi na sa kaniyang pamilya sa Bicol.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Maynila, inihatid si Borja sa Rizal Stadium para makasama sa mga biyaheng Bicol.
Ang bawat stranded na dumarating sa stadium kailangang sumalang muna sa rapid testing bago makasama sa mga pauuwiin sa probinsiya.
Noong Martes, umabot sa 25 LSIs sa stadium ang nagpositibo sa COVID-19. Nakatakda silang sumalang sa confirmatory swab test. (VV)