ni ROSE NOVENARIO
WALANG takot na haharapin ng ilang kawani ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang panganib ng coronavirus disease (COVID-19) kaysa mamatay sa gutom sa mararanasang “no work, no pay policy” kapag sumailalim sa 14-day quarantine.
Desperado ang ilang empleyado ng PCOO na kabilang sa iniulat na 25 COVID-19 active cases ng kagawaran dahil ang kanilang employment status ay contract of status (COS) at job order (JO).
“Wala po kaming leave credits. Kapag hindi po kami pumasok, wala kaming suweldo. Paano po ang kakainin ng aming pamilya kapag wala kaming sahod?” anang isang COVID-19 positive na PCOO employee.
Sa kalatas ay sinabi ng PCOO kahapon na nagbuo ang kagawaran ng isang COVID-19 Response Team na binubuo ng ilang piling empleyado na magsasagawa ng koordinasyon kaugnay sa contact tracing, testing, monitoring, at isolation/quarantine.
Nabatid sa source sa PCOO na isang “Jaymee” na umano’y staff ni Undersecretary Marvin Gatpayat ang tumawag sa COVID-19 positive employees at tinanong ang kanilang kagyat na mga pangangailangan habang naka-quarantine.
HInggil sa usapin kung maaaring magtuloy-tuloy ang sahod ng naka-quarantine na mga empleyado, “noted” ang tugon ni Jaymee at ipaaalam pa umano kay Gatpayat.
Sa isang panayam sa DZRH kahapon, sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar na isa-isa niyang tine-text at kinukumusta ang mga nagpositibong kawani ng kagawaran.
“Pati nga iyong mga naging positive ay iniisa-isa kong tini-text at kinukumusta,” sabi niya.
Ayon sa isang kawani na COVID-19 positive, wala siyang natanggap na text o tawag mula kay Andanar hanggang kahapon.
Desmayado aniya ang mga kawani ng PCOO sa mabagal na aksiyon ng kanilang mga opisyal at sana’y noon pang nakalipas na Marso ay nagbalangkas na ng contingency plan para sa “worst case scenario” ng pandemya sa kagawaran.