NANANAWAGAN si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa publiko na magkaloob ng donasyon upang maipagpatuloy ang libreng COVID-19 walk-in at drive-thru testing centers.
Ang nasabing donasyon, anang alkalde, ay ipambibili ng mga kailangang reagents na ginagamit sa pagsusuri ng blood samples mula sa mga pasyente.
Aniya, bukas sa lahat, hindi lamang sa mga Manileño, ang mga testing area kundi maging sa mga hindi naninirahan sa Maynila, lalo na’t isinusulong ng pamahalaang lungsod ang inclusive approach sa paglahan sa COVID-19.
Nais aniyang ang bawat Manileño ay maging mabuti sa ibang tao gaya ng pagsisikap ng Lungsod na maging mabuting kapitbahay sa ibang siyudad.
Katuwiran ng alkalde, kung nag-iisa ay hindi kakayaning maka-survive kaya hanggang abot ng kakayahan ay yayakapin ang lahat, kasabay ang pagtiyak na lalagpasan ang hamon.
Sa kasalukuyan, ang testing area sa Quirino Grandstand ay may kapasidad na 700 bawat araw habang 200 tests naman ang kaya ng Lawton drive-thru area.
Ang dalawang drive-thru areas ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 am hanggang 5:00 pm.
Samantala, binuksan rin ngayon ang unang Walk-In Testing Center sa Ospital ng Sampaloc na bukas sa lahat, residente man o hindi ng lungsod ng Maynila. (VV)