ISINAILALIM sa localized lockdown ang hindi bababa sa 10 bahay sa isang sitio sa Barangay Poblacion, sa lungsod ng Guihulngan, lalawigan ng Negros Oriental matapos makisalamuha ang isang pasyenteng positibo sa COVID-19 sa kaniyang mga kaanak.
Ayon kay Dr. Liland Estacion, assistant provincial health officer, noong Miyerkoles, 15 Hulyo, hindi malinaw kung paano nagkaroon ng pagkakataong makasalamuha ng pasyente ang kaniyang pamilya kahit nasa isolation sa loob ng isang government quarantine facility.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
Ani Estacion, nagpositibo ang pasyente kahit tapos na ang 21-araw quarantine period, mas mahaba kaysa inirerekomendang 14-araw incubation period ng coronavirus.
Dagdag niya, sinabihan niya ang kanilang mga tauhan na huwag maging kampante sa mga pasyente kahit natapos nila ang 14-araw na quarantine.
Nabatid, ang bagong pasyente ay isang 39-anyos babae na umuwi galing sa Cogon Pardo sa lungsod ng Cebu, na nakasalamuha ang dalawang positibong pasyente mula sa lungsod ng Guihulngan.
Nasa quarantine facility ang babae simula nang dumating siya sa Negros Oriental noong isang buwan at nagpakita ng mga sintomas ng trangkaso.
Samantala, negatibo ang resulta ng COVID-19 test ng kaniyang asawa at anak.
Sa huling tala noong 15 Hulyo, mayroong kabuuang 61 kaso ng COVID-19 sa lalawigan, 36 ang aktibong kaso, 22 ang nakarekober, at tatlo ang binawian ng buhay.
Sa mga aktibong kaso, 21 ang mga sundalo mula sa 302nd Infantry Brigade ng Philippine Army na nanggaling sa kanilang deployment sa Cebu.
Sumailalim ang mga sundalo sa ikalawang swab test upang makita kung mayroon pa silang virus.