DINAKIP ang hindi bababa sa 11 miyembro ng progresibong grupo sa lungsod ng Cabuyao, lalawigan ng Laguna, noong Sabado ng hapon, isang araw matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging batas ang Anti-Terror bill.
Ayon kay Casey Cruz, tagapagsalita ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (BAYAN-ST), inaresto sila ng mga miyembro ng Cabuyao city police matapos silang marahas na i-disperse ang kanilang ginagawang rally.
Bukod kay Cruz, dinakip din ng pulisya ang 10 katao mula sa iba’t ibang grupo gaya ng Karapatan, at iba pang grupo ng kabataan at mga militante.
Ani Cruz, hindi sila binasahan ng Miranda rights nang sila ay arestohin pagkatapos silang tanungin ng mga pulis kung may permiso sila sa pagsasagawa ng kilos protesta.
Naunang dinala ang mga raliyista sa barangay hall ng Pulo saka inilipat sa Cabuyao city police station.
Pinangunahan ng BAYAN-ST ang isang ‘simultaneous rally’ sa mga lungsod ng Cabuyao at Sta. Rosa, at bayan ng Los Baños sa lalawigan ng Laguna; at sa mga lungsod ng Dasmariñas at Bacoor sa lalawigan ng Cavite upang kondenahin ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law, na ayon sa oposisyon ay maaring maging instrumento sa pagsupil sa kalayaan ng mga ordinaryong mamamayan.