NAKATAKAS sa kustodiya ng Manila Police District-Ermita Station (PS5), ang tatlong preso na naaresto sa iba’t ibang kaso, kamakalawa ng madaling araw sa Maynila.
Kinilala ang mga detainee na sina Joel Meneses, 25 anyos, miyembro ng Batang City Jail (BCJ) gang, residente sa Dubai St., Baseco Compound, may kasong paglabag sa Revised Ordinance (curfew hour) at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions; Genrex dela Cruz, residente sa Blk.1 Gasangan, Baseco Compound, may kasong robbery hold-up, malicious mischief, physical injury at paglabag sa Revised Ordinance 864 (concelling deadly weapon); at Ruelo Ramil, 20 anyos, ng Blk.1 Gasangan, Baseco Compound na may kasong robbery hold-up.
Sa tatlong nakatakas, si Meneses lamang ang agad na naaresto dakong 1:40 pm sa bisinidad ng Parola, Port Area, Maynila.
Tinutugis pa ng pulisya sina Dela Cruz at Ramil.
Sa ulat, 2:50 ng madaling araw nang madiskubreng nawawala ang tatlong preso ng MPD-PS5 sa Katigbak Drive, Rizal Park, Ermita.
Agad na ipinagbigay alam ni P/Cpl. Arsen Mallari, duty officer jailer kay P/Lt. Col. Ariel Caramoan, station commander ng PS5 ang insidente, kaya agad nag-utos ng manhunt sa tatlong suspek na mabilis naaresto si Meneses.
Nagawa umanong baklasin ng mga suspek ang kandado sa rehas kaya nakatakas. (VV)