ALAM n’yo bang Pebrero pa lang ay ipina-publicize na ng iWant na magpapalabas sila ng pelikula tungkol sa dalawang kabataang lalaki na nag-iibigan?
Oh, Mando ang titulo ng pelikula at noong buwan na ‘yon ay ‘di pa Boys Love ang tawag sa ganoong klaseng pelikula. May kasamang teaser na nga ng pelikula ang promo ng iWant na sa ABS-CBN News website ipinalalabas. Baka kalagitnaan pa lang ng Pebrero sinimulan isyuting ‘yon, kaya outdoor pa ang syuting at may eksena pa ng yakapan nang mahigpit sa teaser ng pelikula. Wala pang Covid-19 sa Pilipinas noong panahong ‘yon.
Ang magkayakap sa eksena ay walang iba kundi sina Alex Diaz at Kokoy de Santos na isa sa mga bida sa ngayon ay umaalingawngaw na hit na BL serialized movie na Gameboys.
At si Alex naman ay ang ABS-CBN actor na noong October 2019 ay umaming bading siya, dahil may isang physical fitness coach na nagpahayag na pinadalhan siya ni Alex ng romantic-sexual proposal.
Mga unang linggo na ng Mayo ngayong 2020 nagsimula uli na i-promote ng iWant, pero sa panahon na ‘yon ay marami nang announcement ang ABS-CBN, na may-ari ng iWant, na ipalalabas nila ang Gameboys bilang serialized movie at tampok dito sina Kokoy at Elijah Canlas. Parang sa promo ng Gameboys unang ginamit ang bansag na Boys Love sa mga pelikulang dating binabansagang “gay film” o “gay-oriented.”
Mukhang kinakailangan munang ma-establish si Kokoy bilang BL actor na ‘di-bading bago i-promote nang masigasig ang Oh, Mando na katambal n’ya ang isang aktor na umaming bading. At si Alex nga iyon.
Duda kaya ang mga executive ng iWant na pagkakaguluhan ang isang BL movie kung ang isa sa mga bida roon ay umaming bading?
Kung kumita ang mga pelikula na pinagbidahan ni Paolo Ballesteros, na matagal nang umaming bading, ‘yon ay dahil hindi naman tungkol sa pag-iibigan ng dalawang lalaki (na bading) ang mga pelikula n’ya. “Gay films” ang mga proyekto ni Paolo kahit na ang nagko-conceptualize at nagpo-produce niyon ay ang magka-boys love na sina Jun Robles Lana at Perci Intalan. Silang dalawa rin ang producers ng Gameboys na gagawin ding pelikula pagkatapos ng ika-10 episode nito sa iWant.
Pero kahit na inia-announce na ng iWant na definitely ay iri-release rin nila ang Oh, Mando, habang isinusulat namin ito ay wala pang malinaw na petsa kung kailan ito ipalalabas.
Kung maging hit ang Oh, Mando malamang na bumongga ang showbiz career ni Alex. At baka mabuhay muli ang showbiz career nina Mark Bautista, Prince Stefan, at Fifth Solomon na umamin nang mga bading (bagama’t sabi ni Mark ay “bisexual” siya, hindi exclusive na bading).
Mukhang kaya madaling umabot sa isang milyon at higit pa ang nanonood ng Gameboys ay dahil pati mga kabataang babae ay nanood din nito at pinagpapantasyahan sina Kokoy at Elijah. Parang ‘di nila magagawa ‘yon sa isang pelikulang BL na ang isang bida ay aminadong bading. Baka nga mandiri pa sila sa pelikula. Baka lang naman. Baka naman iba na rin ang panlasa at paghuhusga ng mga kabataang babae ngayon.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas