NAKALIKOM ng P6.8 million ang dalawang gabing solo digital concert ni Gary Valenciano na itinanghal sa Facebook page n’ya noong Abril 18 at 19. Para makalikom ng ganyang kalaking halaga, ibig sabihin ay napakatindi pa rin ng dating ni Gary sa madla. After all, isa siya sa mga binansagang “Total Performer” sa halos apat na dekada n’ya sa industriya ng musika.
Simpleng Hopeful ang titulo ng concert na ang layunin ay ipagdiwang ang ika-37 anibersaryo n’ya sa industriya ng musika at makalikom ng pondo na pantulong sa mga komunidad sa bansa na lubhang naapektuhan ng enhanced community quarantine na bahagi ng pagpapahinto sa paglaganap ng sakit na dulot ng corona virus.
Sa unang gabi ng pagtatanghal ay P2,371,204 ang donasyong natanggap ng konsiyerto. Mas malaki ang nalikom noong pangalawang gabi.
Gayunman, nilinaw ni Angeli Pangilinan-Valenciano, manager at maybahay ni Gary, na ang P6.8-M na nalikom ay ‘di purong cash kundi goods na ang halaga kung bibilhin ay isinama sa suma ng nalikom ng dalawang pagtatanghal.
Ang nalikom ay para sa benepisyo ng mga organisasyon ng Operation Blessing at Shining Light Foundation, na nakapagsimula ng tumulong sa mga komunidad na malubhang naapektuhan ng ECQ.
Nakatakda sanang mag-concert si Gary sa Araneta Coliseum para ipagdiwang ang ika-37 anibersaryo niya bilang propesyonal na mang-aawit at composer. Pero dahil sa ECQ ay ‘di na ‘yon itinuloy.
Si Gary na rin mismo ang nagsilbing musical director ng pagtatanghal na ginawa sa home studio ng pamilya sa Antipolo. Katuwang n’ya sa stage direction at multi-media production design na anak n’yang panganay na si Paolo Valenciano.
.
Nagsimula ang konsiyerto sa pag-awit ni Gary ng pinagtagni-tagning (montage) hit songs niya na kinabibilangan ng Hataw Na, Wag Mo Na Sanang Isipin, Hang On, Di Na Natuto, Narito, Paano, Until Then, at Reaching Out.
Inawit din n’ya ang mga maka-Diyos n’yang komposisyon na gaya ng Natutulog Ba Ang Diyos at Gaya ng Dati, Sa Yahweh, Shout For Joy, at ang bersiyon n’ya ng global hit na I Will Be Here.
Kabilang pa rin sa mga inawit ni Mr. Pure Energy at sinawayan ay Search And Know, at Ipagpatuloy Mo, Galing Ng Pilipino, na tribute n’ya sa Pinoy frontliners sa ibang bansa.
Inawit din n’ya ang pambatang Saranggola.
Samantala, ang nakatakdang susunod na mag-digital solo concert ay si Regine Velasquez. Fundraising din ‘yon at birthday show.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas