VIRTUAL press briefing ang idaraos ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa Malacañang Press Corps simula ngayon.
Inihayag ito ng Office of the Presidential Spokesperson kahapon.
Ibig sabihin, hindi na kailangan magpunta ni Panelo sa Malacañang bagkus ay maaaring sa kanyang bahay na lamang makapanayam sa pamamagitan ng video call.
Naging kapansin-pansin na nakasuot na rin ng face mask si Panelo nang humarap sa mga miyembro ng MPC kahapon sa press briefing sa Palasyo.
Paliwanag ni Panelo, wala naman siyang problema bagama’t napapaubo siya paminsan-minsan at ang pagsusuot ng face mask ay bahagi ng pre-emptive measure upang makatiyak din naman na walang tatamaan ng virus sa sandaling may lumabas sa kanyang bibig.
Ipinatupad mismo sa hanay ng MPC ang social distancing na isang paraan para makaiwas sa kinatatakutang COVID-19.
Sa regular press briefing na isinagawa sa Palasyo, one seat apart ang naging set up sa upuan ng mga mamamahayag para iobserba ang kailangang distansiya sa isa’t isa.
Ganoon pa man, hindi naging ganap na pulido ang social distancing sa press briefing area matapos mapansing walang distansiyang nakita sa hanay ng TV crew dahil na rin sa limitadong espasyo sa kanilang puwesto.
Hindi binanggit kung ang virtual press briefing ay may kinalaman sa kalusugan ni Panelo o sa kanyang pahayag na “walang namamatay sa gutom.”
(ROSE NOVENARIO)