ARTISTA na pala ang anak na Pinay ni Prince Jefri ng Brunei na si Samantha Richelle (na ang ina ay si Evangeline del Rosario). Ilang taon na rin siyang naninirahan sa Pilipinas kaya’t “Pinay” kung ipakilala ang sarili.
Si Samantha ang bidang babae sa Almost Paradise, isang international action series na ang line producer ay ang ABS-CBN. Ang Electric Entertainment ni Dean Devlin ang producer ng serye na sa Pilipinas nag-shoot at nagtatampok din sa halos 100 Pinoy actors.
Si Devlin ay ang producer ng mga pelikulang Godzilla, Independence Day, at The Patriot. Ang kanyang Electric Entertainment ay ang producer naman ng mga na tagumpay na serye sa US na The Librarians at Leverage.
Magpi-premiere ang Almost Paradise sa March 30 sa US cable channel WGN America.
Gumaganap sa serye si Samantha bilang si Kai Mendoza, isang pulis na matotokang puksain ang isang napaka-makapanyarihang sindikato ng droga na sa Pilipinas nakabase.
Makakasagupa ni Samantha sa serye ang American actor na si Christian Kane.
Ang istorya ng serye ay umiinog sa isang lalaking American drug enforcement agent na napilitang magretiro dahil sa napakataas at delikadong presyon ng dugo n’ya. Pinili n’yang sa Pilipinas magretiro pero matutunton siya roon ng mga rati n’ya kalaban na hangad pa rin ang kanyang kamatayan.
Ang ilan sa mga Pinoy actor sa serye ay sina Art Acuña, Ces Quesada, Angeli Bayani, at Nonie Buencamino.
Samantala, bukod sa maganda at maalindog si Samantha, napaka-physically fit n’ya, at ‘yon ang isang dahilan kaya siya kinuhang maging bidang babae sa Almost Paradise.
Sa fashion circle sa Pilipinas, kilala siya bilang isang fashion model na naging fashion designer at fashion entrepreneur.
Ipinagmamalaki n’yang may anak na siyang batang lalaki na ang ama ay ang partner n’yang si Anton del Rosario, dating miyembro ng Azkals, national football team ng Pilipinas (na halos lahat ng miyembro ay Pinay ang mga ina pero mga banyaga ang ama).
Si Prince Jefri ay kapatid ng Sultan ng Brunei. Batid ng madla na ang prinsipe ay may anak na lalaki sa isa sa mga naging misis n’yang Pinay na si Ayeen Munji (na matagal na ring naging Mrs. Franco Laurel).
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas