NANAWAGAN si Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Filipino na magkaisa at iwaksi ang maliliit na hindi pagkakaunawaan sa politika upang mapangalagaan ang diwa ng EDSA People Power Revolution.
“Inspired by the freedoms that we secured in February 1986, let us all rise above our petty political differences so that we may, together, ensure that the legacy of EDSA will remain relevant in the years ahead,” mensahe ng Pangulo sa ika-34 anibersaryo ng EDSA People Power 1 Revolution na nagpabagsak sa diktadurang rehimeng Marcos.
Umaasa ang Pangulo na ang mga susunod na henerasyon ay magkakaroon ng tapang, katatagan at determinasyon upang bigyang proteksiyon, ipagtanggol, at pangalagaan ang kalayaan na nakamit sa “bloodless revolution” noong 1986.
Sa kabila nito, hindi dumalo ang Pangulo sa seremonya ng 34th anniversary ng EDSA 1 kahapon gaya nang ginawa niya sa nakalipas na tatlong taong mga pagdiriwang mula nang maluklok siya sa Palasyo.
(ROSE NOVENARIO)
ARAL NG EDSA
HUWAG LIMUTIN
— PANGILINAN
“GINUGUNITA natin ang People Power, kahapon 25 Pebrero dahil napakahalagang pangyayari sa ating bansa na nagkaisa ang ating mga kababayan para iwaksi ang pang-aabuso at pagmamalabis ng kapangyarihan ng isang diktador,” ito ang naging pahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan.
“[Napatunayan] natin na kaya nating harapin at tutulan ang pang-aabuso at pagmamalabis, ang corruption. At napakahalaga dahil sa ngayon, nakikita natin ang banta na manumbalik itong authoritarianism, manumbalik itong one-man rule, at napakahalagang sariwain natin itong — ano ba ang lesson ng EDSA?
Binigyang-diin ni Pangilinan, sa wakas walang forever. Pangalawa, ‘pag napuno ang salop, ang mamamayan na mismo ang kikilos kaya dapat tuloy-tuloy umano ang pagbabantay.
Samantala, binigyang diin ni Pangilinan, ang hearing sa Senado tungkol sa prankisa ng ABS-CBN, ay isang dagok sa press freedom, dagok sa freedom of expression, at sa ating freedom bilang isang bansa.
“Kaya we have to learn from the lessons of people power and accept and acknowledge na sa huling banda, ang pinakamalakas na pantabla at pinakamalakas na maaaring humarap sa pang-aabuso at sa tyranny ay taong bayang kumikilos at naninindigan,” dagdag ng Senador.
(CYNTHIA MARTIN)
‘LANGAW’ NA MAGPAPATALSIK
KAY DIGONG ‘WAG MALIITIN
— SEN. BONG
AMINADO si Senador Christopher “Bong” Go na hindi dapat maliitin ang mga grupong nagbabalak na patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng pagdiriwang ng EDSA People Power revolution.
Sinabi ni Go, dapat hayaan ang mga Filipino na humusga sa pangulo kung nagawa ba niya ang kanyang tungkulin o hindi.
Ayon kay Go, kung mahal talaga ng mga Pinoy si Pangulong Duterte ay hayaan siyang matapos ang kanyang termino at makapaglingkod sa bayan.
Sakali aniyang hindi satisfied, dapat masiguro na hindi ‘langaw’ ang mabibitbit sa sinasabing ouster movement.
Binigyang-diin ni Go, malaki ang tiwala niya sa mga Filipino dahil matatalino ang mga mamamayan na nakakita ng sinserong paglilingkod.
(CYNTHIA MARTIN)