HINDI kailangan ayudahan ng gobyerno ang mga manggagawa na mawawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng planta ng Honda sa Filipinas.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, may build build build program naman ang pamahalaan at maaaring doon maghanap ng trabaho ang mga manggagawa ng Honda.
“Alam mo ‘yung sinasabi mong assistance, pag merong mga… they can just apply. We don’t need to assist them in applying,” aniya.
Sinabi ni Panelo, may mga insidente talaga na magsasara ang isang kompanya kung kaya dapat maghanap ng bagong trabaho ang mga apektadong manggagawa.
Minaliit ni Panelo ang epekto sa ekonomiya ng pagsasara ng Honda dahil marami umanong kompanya ang pumapasok sa bansa at nagnanais maglagak ng puhunan sa pagnenegosyo.
Posible aniyang nalulugi na at wala nang bumibili sa mga sasakyan ng Honda kung kaya nagpasya nang isara ang planta sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)