ARESTADO ang isang truck driver ng junkshop na lumilinya sa palihim na pagtutulak ng droga kamakalawa ng gabi, 19 Pebrero, sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga.
Sa ipinadalang ulat ni P/Lt. Col. Michael John Riego, hepe ng Lubao Municipal Police Station kay PRO3 director P/BGen. Rhodel Sermonia, naaktohan ng kaniyang mga tauhan na nagbebenta ng hinihinalang shabu ang suspek na kinilalang si Rosalino Martinez, 54 anyos, driver ng truck na naghahatid ng mga kalakal sa iba’t ibang junkshop, at residente sa Bgy. Lourdes, ng nasabing lugar.
Kabilang sa top 10 most wanted sa listahan ng drug personalities sa provincial level ang suspek na sinabing patuloy sa pagpapalawak ng baluwarte.
Ayon kay Riego, sumuko ang suspek ngunit hindi umano huminto sa ilegal na gawain.
Batay sa imbestigasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), nagsagawa sila ng test buy matapos inguso ng kanilang confidential asset ang modus na diskarte ni Martinez.
Habang nagdedeliber sa Olongapo ng mga kalakal ay pipihit ang suspek sa pinagkukuhaang source ng ilegal na droga upang umiskor at palihim na ipinamumudmod sa naghihintay niyang mga kliyenteng adik kapalit ng perang ibinabayad sa inorder na shabu.
Makaraang makompirma ang modus agad ikinasa ang entrapment operation laban sa suspek at nagkita sa naturang barangay ang magkabilang panig dakong 10:30 pm na ikinahuli ng suspek.
Nakuha mula sa suspek ang tatlong sachet ng shabu at P500 marked money ng mga anti-narcotics operative sa inilunsad na buy bust operation.
(RAUL SUSCANO)