TINULDUKAN na ng administrasyong Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA) nang ipadala sa US government ang notice of termination kahapon.
Inianunsiyo ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Magiging epektibo aniya ang pagpapawalang bisa sa VFA matapos ang 180 araw.
Matatandaan, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbasura sa VFA matapos kanselahin ng US ang visa ni Sen. Ronald dela Rosa.
Si Dela Rosa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) mula 2016-2018 ang nagpatupad ng madugong drug war ng administrasyong Duterte at binatikos maging ng international community dahil sa extrajudicial killings (EJK).
Itinuturing ni Pangulong Duterte na paglabag sa soberanya ng bansa ang nasabing hakbang ng US laban kay Bato maging ang resolusyon na ipinasa ng ilang US senators na nagbabawal makapasok sa Amerika ang mga opisyal ng Philippine government na nasa likod nang pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.
Dahil rito’y pinagbawalan din ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng kanyang gabinete na magpunta sa Amerika.
(ROSE NOVENARIO)
PH susuyuin ng Kano — Palasyo
NANINIWALA ang Palasyo na susuyuin ng Amerika ang Filipinas dahil sa ginawang pagbasura sa Visiting Forces Agreement ( VFA).
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, napuna niya kapag kritiko ng US, mas maayos ang trato ng Amerika habang ang mga deklaradong kakampi ay inaapi.
“Why? Because I’ve been noticing that who have been critical of the US government policies have been given the preferential attention of the US government. ‘Pag nababanatan sila, sinusuyo nila, iyong mga kakampi nila e, inaapi. Parang ganoon ang dating e,” ani Panelo.
Ito aniya ang dahilan kaya kompiyansa siyang magiging mas mainit ang relasyong PH-US sa pagbasura ng Filipinas sa VFA.
(ROSE NOVENARIO)