IMBES magsisihan, magtulungan na lang tayo para harapin ang pinangangambahang novel coronavirus.
Ito ang pahayag ni Senator Christopher “Bong” Go bilang tugon sa batikos at paninisi ng ilang grupo at indibiduwal sa pamahalaan partikular kay Pangulong Rodrigo Duterte kung bakit hindi agad ipagbawal ang biyahe mula at papuntang China.
Sinabi ni Go, imbes magsisihan, mas mabuting ipakita ang bayanihan ng mga Filipino tulad ng ginagawa ngayon ng ibang bansa na nagtutulungan silang hanapan ng solusyon ang pagpasok ng coronavirus sa kanilang bansa.
Nilinaw ni Go, naiintindihan niya ang nararamdaman ng mga Pinoy dahil sa pangamba sa nCoV pero dapat din maunawaan na kailangan ni Pangulong Duterte na mabalanse ang lahat dahil maraming sektor ang maaapektohan tulad ng transportasyon at turismo.
Nanawagan si Go na makinig at sumunod ang lahat sa advisories ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno.
(CYNTHIA MARTIN)