TINANGGAL ng mga awtoridad ang lockdown order sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel sa lalawigan ng Batangas kahapon, 27 Enero, maliban sa anim na barangay na nasa “seven kilometer-radius danger zone” na itinituring na nasa panganib kung sasabog muli ang bulkang Taal.
Pinakahuli ang dalawang munisipalidad sa 14 bayan at mga lungsod sa lalawigan na muling nagbukas matapos ang pagbuga ng abo sanhi ng pagsabog ng bulkang Taal matapos ibaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) noong Linggo, 26 Enero, sa alert level 3 mula alert level 4 dahil sa paghina ng posibilidad ng mapanganib nitong pagsabog.
Ayon kay Agoncillo Mayor Daniel Reyes sa panayam, pinayagan nila ang mga residenteng puwersahang inilikas noong nakaraang dalawang linggo, na bumalik sa kanilang mga tahanan.
Dagdag ni Reyes, nauna niyang pinabalik ang mga puno ng pamilya upang makapaglinis bago pabalikin ang matatanda at bata dahil sa panganib ng sakit sa baga dala ng abo.
Ibinalik na rin ang koryente at tubig sa ilang bahagi ng bayan ng Agoncillo.
Gamit ng ibang residente sa paglilinis ng kanilang mga bakuran at bahay ang tubig mula sa kanilang balon.
Samantala, mananatiling naka-lockdown ang mga barangay ng Bilibinwang, Subic Ilaya, at Banyaga.
Dedesisyonan pa umano ng alkalde kung bibigyan ng window hours ang mga nabanggit na barangay.
Sa bayan ng Laurel, pinayagan na rin ng lokal na pamahalaan na bumalik ang mga lumikas na residente sa kanilang mga tahanan maliban sa mga nakatira sa mga barangay ng Bugaan East, Buso-Buso, at Gulod, na nasa “seven kilometer-radius hazard zone” ng bulkang Taal.
Nananatiling off-limits ang buong volcano island o Pulo.