TULUYANG ipinagbawal ni Mayor Francico “Isko Moreno” Domagoso ang pagtitinda ng mga vendor na may sidewalk stalls sa Ylaya St., sa Divisoria dahil sa kawalan ng pagpapahalaga sa paglilinis ng kanilang mga basura.
Tahasang ipinadama ni Mayor Isko ang eksasperasyon at pagkadesmaya sa kanyang nakitang nagkalat na basura sa sorpresang inspeksiyon kahapon ng madaling araw.
Kahapon ng madaling araw, sorpresang nag-inspeskiyon si Mayor Isko ngunit higit siyang nagimpal nang makita ang nagkalat at nagtambakang basura sa kahabaan ng Ylaya.
Desmayadong kinompronta ng alkalde ang mga vendor at ang mga opisyal ng pulisya sa nasabing lugar, hanggang magdeklara na hindi na niya papayagang pagtindahan ang Ylaya Street.
“Hindi ba kayo nahihiya d’yan o talagang baboy din kayo sa bahay? Kailangan ko pa kayo sorpresahin? Pinaghahanapbuhay ko na nga kayo e,” ani Moreno sa mga vendor.
Lalo pang nainis ang alkalde nang wala man lang kumikilos para linisin at hakutin ang kani-kanilang basura.
“Wala, walang kusa,” palatak ni Mayor Isko sa kawalan ng aksiyon ng mga vendor. “Kung ganyan lang din naman ang iiwan sa ‘tin araw-araw, tigil na silang lahat.”
Sa kanyang talumpati sa Manila City Hall flag-raising ceremony pagkatapos ng kanyang inspeksiyon, mariing pinagsabihan ni Mayor Isko ang mga vendor kung bakit pinapayagan nilang magtambak ang basura sa lugar nila.
“Binababoy nila e. Hindi ko maintindihan, sa totoo lang. Binigyan mo ng hanapbuhay, nilingon mo. Inalis mo ang mga nang-aabuso sa kanila. Wala pa rin,” ani Isko sa mga empleyado ng Manila City Hall.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 8572, ang kapabayaan sa pagmamantina ng kalinisan at kaayusan ay paglabag sa Section 4 ng nasabing ordinansa, na nagbabawal sa mga mamamayan na mag-iwan o magkalat ng basura at iba pang kalat sa gutter, sidewalks, kalye, alleyway, at mga kalsada.”
HATAW News Team