LUMIPAD kahapon ng umaga, Linggo patungong Seoul, South Korea upang dumalo sa dalawang araw na conference kaugnay sa climate and air quality si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Ang pagdalo ng alkalde, kasunod ng imbitasyon ni dating United Nations (UN) Secretary General Ban Ki-moon.
Magsasalita ngayong umaga ang alkalde sa International Forum on Air and Climate Change ng National Council on Climate and Air Quality na nakabase sa Seoul.
Naimbitahan din siyang magsalita sa luncheon meeting na pangungunahan ng dating UN Secretary General kasama ang ilang international leaders.
Kasama sa invited speakers sa dalawang event ang dating Prime Minister of South Korea, China’s Minister of Environment, at Mongolia’s Minister of Environment and Tourism.
Dumating ang alkalde sa Incheon International Airport via PR 466 dakong 5:30 am, kasama ang kanyang chief of staff na si Cesar Chavez.
Ayon kay Chavez, babalik sila ng alkalde sa bansa sa araw ng Martes.