HINDI pa man nakababawi sa lindol na tumama sa isla sa unang bahagi ng buwan ng Oktubre, niyanig muli ng dalawang malalakas na lindol ang malaking bahagi ng Mindanao na nag-iwan ng anim na patay at dose-dosenang sugatan kahapon ng umaga, 29 Oktubre.
Naunang yumanig ang 6.6 magnitude lindol sa bayan ng Tulunan sa lalawigan ng Cotabato dakong 9:04 am na sinundan ng bahagyang mas mahinang 6.1 magnitude makalipas ang halos dalawang oras.
Takot na nagsilabasan ang mga lokal na residente sa mga kalsada matapos ang unang lindol na tumama sa Mindanao sa pagbubukas ng mga paaralan at mga opisina nitong Martes ng umaga.
Tumagal nang hanggang isang minuto ang pagyanig sa ilang mga lugar na nagdulot ng pinsala sa mga bahay, mga gusali, at mga silid-aralan .
Sa Barangay Lanao Kuran sa bayan ng Arakan, dalawa katao ang namatay at sugatan ang isang 2-anyos paslit nang magulungan ng mga gumuhong bato.
Kinilala ni Arakan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Weng Gafate mga namatay na sina Angel Andy, 22 anyos, at ang kaniyang 7-anyos anak na lalaki.
Anak din umano ni Andy ang sugatang bata na dinala sa pagamutan upang malapatan ng lunas.
Kinilala ni Reuel Limbugan, alkalde ng Tulunan, ang isa sa mga namatay mula sa Barangay Banayal na si Marichel Morla.
Bahagyang sugatan din ang tatlong mag-aaral mula sa Daig Elementary School nang mahulugan ng debris mula sa mga napinsalang gusali ng paaralan.
Kinompirma ni Cotabato Schools Division Superintendent Omar Obas na nasa maayos nang kalagayan ang mga mag-aaral.
Sa lungsod ng Digos, kinilala ni Mayor Josef Cagas ang isa pang namatay sa pangalang Jeremy.
Sa lungsod ng Koronadal, binawian ng buhay ang isang retiradong driver ng ambulansiya ng pampublikong ospital na si Nestor Narciso, 56 anyos, nang madaganan ng gumuhong konkretong pader ng Koronadal City Alliance Church.
Sa bayan ng Magsaysay, lalawigan ng Davao del Sur, namatay ang 15-anyos Grade 9 student sa ospital nang tamaan ng gumuhong bahagi ng isang napinsalang gusali.
Kinilala ni Anthony Allada, information officer ng Magsaysay, ang namatay na estudyanteng si Jessie Riel Parba ng Kasuga National High School.
Natakot at nagulat ang mga lokal na residente dahil sa lakas ng dalawang lindol na napag-alamang mas nakapipinsala dahil hindi kalaliman.
Sinabi ni Gadi Sorilla, doktor sa ospital ng Tulunan, umuugoy ang mga gusali at hindi lang basta gumagalaw.
“I asked God for help,” ani Sorilla na sampung pasyente agad ang tinanggap sa kanilang pagamutan.
Ayon kay Mayor Limbungan, matindi ang sinapit na pinsala ng munisipyo ng Tulunan at nakatanggap din sila ng mga ulat kaugnay ng mga sugatang residente.
Inabot ng gabi ang mga rescue team upang matukoy ang lawak ng pinsalang dala ng dalawang pagyanig dahil namatay ang koryente at linya ng telepono.
Nagdulot ng takot ang patuloy na aftershocks kaya ayaw bumalik sa loob ng mga gusali ng mga tao dahil sa pangambang gumuho at madaganan nito.
Pansamantalang isinara ang mga paaralan sa mga apektadong lugar bilang pag-iingat sa mga posibleng susunod na pagyanig.
Patuloy na nararanasan ng Mindanao ang epekto ng 6.4 magnitude lindol na tumama wala pang dalawang linggo ang nakalilipas na kumitil ng limang buhay at sumira ng dose-dosenang gusali.
Lumikas ang mga residente at nagtungo sa ibang bahagi ng Mindanao habang nasunog naman ang isang mall sa lungsod ng General Santos ilang oras matapos tumama ang lindol noong 16 Oktubre.
Mayroon pang 570 katao ang mga evacuation center mula sa naunang lindol at inaasahang darami pa ang evacuees, ayon kay Zaldy Ortiz, isang opisyal ng lokal na emergency rescue team.
Pagkatapos ng lindol
R&R OPs KUMIKILOS
SA MINDA
KUMIKILOS ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno na may kaugnayan sa rescue and relief operations kasunod ng naitalang 6.6 magnitude quake sa Central Mindanao kahapon.
Ito ang tiniyak ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Nagsasagawa aniya ang pamahalaan ng rapid damage assessment at inaalam rin ang mga pangangailangan ng mga nabiktima ng pagyanig.
Nanawagan ang Palasyo sa publiko na manatiling kalmado pero mapagmatyag kasabay ng paghikayat na tumutok sa mga alert bulletin na ipalalabas ng concerned government offices.
Umalela si Panelo sa mga mamamayan na iwasan ang pagkakalat ng anomang maling impormasyon na maaaring makalikha ng pagkaalarma, panic at dagdag na stress sa marami.
Sa inisyal na report ng PhiVolcs, naitala ang magnitude 6.6 lakas ng lindol sa epicenter sa Tulunan, Cotabato.
(ROSE NOVENARIO)
CARDINAL NAGPAABOT
NG PANALANGIN SA MGA BIKTIMA
NG LINDOL SA MINDANAO
NAGPAABOT ng panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mamamayan ng Mindanao na apektado ng naganap na lindol.
Aniya, mahalaga ang panalangin para sa katatagan at kaligtasan ng mga biktima ng 6.6 magnitude lindol na kasalukuyang nakararanas ng trauma partikular ang mga lugar na labis na napinsala.
“Nanawagan kami sa inyong lahat, una, panalangin sa Panginoon sa kaligtasan ng ating mga kapatid na naapektohan ng lindol,” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Hiling ng arsobispo sa Diyos na protektahan ang mamamayan ng Mindanao mula sa matitinding pinsala at patuloy na pagyanig bunsod ng aftershocks.
Umaasa si Cardinal Tagle na maging bukas ang buong sambayanan sa paglingap sa mga biktima gayondin sa mga gusali at simbahang nasira ng malakas na pagyanig.
“Kapag nanawagan ang mga Dioceses, mga parokya sa lugar na ‘yun, sana ay maging bukas palad tayo sa pagtugon,” ani Cardinal Tagle.
Batay sa ulat ng PhiVolcs, 9:04 am nang yanigin ang ilang lugar sa Mindanao at Visayas na ang sentro nito ay sa Hilagang Silangan ng Tulunan North Cotabato, may lalim na walong kilometro.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, nanatili sa labas ng mga tahanan ang mga residente dahil sa pangamba na maaaring pinsala ng lindol na tinatayang limang simbahan ang naiulat na nasira.
Nanawagan din ng panalangin ang rector ng Our Lady of Mediatrix of All Grace sa kanilang kaligtasan.
Inihayag ni Father Jun Balatero, rector ng Kidapawan Cathedral, bukas ang simbahan sa mga evacuees.
Suspendido ang pasok sa lahat ng mga eskuwelahan at tanggapan sa mga apektadong lugar para sa kaligtasan ng lahat.