SAMA-SAMA at nagkakaisang paglilinis sa kabisera ng bansa ang tanging hiling ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa bawat Manilenyo sa kanyang kaarawan.
Sa kanyang personal na liham sa Manilenyo, hinikayat ng alkalde ang bawat mamamayan at mga opisyal ng pamahalaang lungsod na linisin ang kanilang komunidad at nasasakupan.
“Sa darating na 24 Oktubre, Huwebes, kasabay ng pagdiriwang ng aking kaarawan ay hinihiling ko na sama-sama tayong maglinis at mag-ayos ng ating pamayanan, tanggapan, gusali at mga nasasakupan,” ayon sa personal na sulat ni Domagoso sa mga Manilenyo.
Sa ika-100 araw ng kanyang panunugkulan, aminado ang alkalde na mahabang panahon pa ang kanyang tatahakin upang maisaayos ang Maynila.
Umaasa ang alkalde na lahat ng indibiduwal ay tutulong sa mga clean-up drive bilang simbolo ng pagkakaisa ng mga Manilenyo.
“Inatasan ko ang Kawanihan ng Turismo at Kapakanang Pangkultura ng Maynila na pangunahan ito at simula 7:00 ng umaga ay sabay-sabay tayong maglinis ng ating kapaligiran bilang simbolo ng pagkakaisa natin bilang mamamayang Manilenyo na naghahangad ng pagbabago tungo sa ganap na pag-unlad ng minamahal nating lungsod,” anang alkalde.
Ang alkalde, ay 45 anyos na sa darating na 24 Oktubre 2019.