ANG pagbabahagi sa China ng mga mineral at yamang dagat sa exclusive economic zone ng Filipinas sa West Philippine Sea (WPS) ang nakikitang mapayapang paraan sa isyung teritoryal ng dalawang bansa.
Sa kanyang talumpati sa Romblon kagabi, sinabi ng Pangulo, ang panukalang hatian na 60-40 pabor sa Filipinas ay isang “good start” para sa paggigiit ng arbitral ruling sa China.
Giit ng Pangulo, wala naman kakayahan ang Filipinas na makipagdigmaan sa China upang ipilit ang arbitral ruling na pabor sa ating bansa.
Mas mabuti aniya na may mapala ang bansa sa arbitral ruling at hindi siya papayag na ma-ty (thank you).
Matatandaan, base sa desisyon ng international court of arbitration, pag-aari ng Filipinas ang lahat ng mineral at yamang dagat na nasa 200 nautical mile sa West Philippine Sea ngunit hindi kinilala ng China ang desisyon at patuloy ang pag-angkin sa mga teritoryo dahil bahagi raw ito ng nine-dash line ng kanilang bansa.
Magsasagawa ng working visit si Pangulong Duterte sa China upang igiit ang arbitral ruling sa 28-31 Agosto 2019.
ni ROSE NOVENARIO