NADAKIP ang siyam na Korean nationals sa operasyon na ikinasa ng National Bureau of Investigation – Special Action Unit (NBI-SAU) matapos magnakaw ng impormasyon ang mga suspek upang gamitin sa transaksiyong pampinansyal at ilipat sa ibang bakanteng tarheta sa Angeles, Pampanga, noong Sabado.
Kinilala ni NBI Director Dante Gierran ang mga suspek na sina Jung Ju Wan, Kim Tae Yang, Oh Young Seong, Song Jon Min, Jin Jung Young, Sung Won Kang, Yeong Hak Tak, Young Jo Choi at isang Kim Daw Hyun na pinaghahanap ngayon.
Ayon sa NBI, mayroong pag-aaring mga pekeng bank cards at password machines ang grupo na ginagamit nila sa paglilipat ng pera mula sa mga biktima hanggang sa bank accounts na kanilang pag-aari.
Gumagamit ang grupo ng duplicate blank cards upang madoble ang mga account na kanilang ginagamit sa transaksiyon.
Naghain ang NBI-SAU ng warrant to search, seize and examine computer data (WSSECD) matapos magkasa ng search warrant sa mga suspek.
Narekober ang mga personal computers, laptops, keyboards, computer cables, modem, router, telephones, microphone, cards, POS at OTPs.
Nakuha rin mula sa tinutuluyan ng mga suspek ang mga paketeng hinihinalang shabu at nagpositibo mula sa paggamit ng methamphetamine hydrochloride at marijuana.
“Ginagamit nila ito sa pansariling pleasure,” ani Deputy Director for Investigation Ferdinand Lavin.
Samantala, nahaharap sa kasong fraud sa Korea ang isa sa siyam na suspek na si Kim Tae Yang na umano’y pugante sa kanilang bansa.
Sinampahan ng kasong paglabag sa RA 8484 (Access Devices Regulation Act of 1998) at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek. (RICA ANNE DUGAN, trainee)