TATLO sa apat na suspek na sinabing miyembro ng Akyat Bahay Gang ang nadakip matapos looban ang isang establisimiyento sa Muntinlupa City, iniulat kahapon.
Nakapiit sa detention cell ng Muntinlupa city police ang mga suspek na sina Jerome Banday, 29; Wilfredo Yumol, 58; at Vincent Lomeda, 43, habang nakatakas ang kanilang kasabwat na kinilalang si Jomer Banday, 43 anyos.
Habang ang biktima ay kinilalang si Gloria Baron, 60, negosyante.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nabisto ang pagnanakaw sa loob ng Glo Glen Builders and Construction Supply na matatagpuan sa 129 National Road, Barangay Bayanan, Muntinlupa City, dakong 7:30 am.
Agad humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis sanhi ng agarang pagkakadakip sa tatlong suspek habang nakatakas ang kanilang kasabwat na si Jomer Banday.
Narekober sa mga suspek ang dalawang electrical wire na nagkakahalaga ng P6,200, anim na Philips bulb-P300, isang LED bulb P150, isang cloth duct tape P250, isang Hippo tape P100, isang set ng Breaver lock P350; at isang set ng Top Grade lock P500.
Natangay ni Jomer Banday ang isang rolyong electrical tape P3,100; dalawang Sniff P600, isang gun tacker P500, tatlong soldering iron P600; tatlong Stanley riveter P1,300, isang Stanley vice grip P500, at isang tseke ng BPI pay to cash na nagkakahalaga ng P14,250.
Nagsasagawa ng manhunt operation ang awtoridad laban sa nakatakas na suspek.
Isasailalim sa inquest proceedings ang mga nadakip na suspek sa Muntinlupa Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)