ANG pagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magpunta sa Canada ay bahagi ng patakaran ng administrasyong Duterte na dumistansiya sa Ottawa dahil sa pagkaantala nang pagbabalik ng basura ng Canada mula sa Filipinas, ayon sa Palasyo.
Kamakailan ay inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng pamahalaan na itigil ang pagbibigay ng mga travel authority para sa official trips sa Canada.
Ang direktiba ay bilang pagpapakita na seryoso ang Filipinas sa hirit na kunin ng Canada ang mga basura nilang ilegal na ipinadala sa ating bansa, ani Executive Secretary Salvador Medialdea sa inilabas na memorandum.
Inatasan din ang mga pinuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na bawasan ang opisyal na pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng Canadian government.
“We maintain that these directives are consistent with our stance on the diminished diplomatic relations with Canada starting with the recall of our ambassador and consul-general in that country in light of Canada’s failure to retrieve its containers of garbage unlawfully shipped to the Philippines,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Nauna rito’y pinabalik ng bansa ang ambassador at consul-general ng Filipinas sa Canada.
(R. NOVENARIO)