TINIYAK kahapon ni PDP-Laban Manila mayoral candidate bet Alfredo Lim, lahat ng uri ng financial assistance, cash incentives at cash benefits na kasalukuyang tinatanggap ng mga pulis, teachers, senior citizens at mga empleyado ng City Hall ay kanyang dadagdagan sa oras na siya ay maging alkalde muli ng lungsod.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lim, kailangang gawing angkop sa kasalukuyang panahon ang nasabing financial benefits sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin kompara sa kasalukuyang suweldo ng mga manggagawa.
Ani Lim, nagsilbi sa bayan bilang isang pulis-Maynila sa loob ng 38 taon, mahalaga ang papel na ginagampanan ng pulisya sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa lungsod, nang sa gayon ang mga residente ay makatulog nang mahimbing at makapaglakad sa mga kalsada nang hindi nangangamba para sa kanilang kaligtasan.
“Araw-araw, kapag umaalis ang isang pulis sa bahay para pumasok sa trabaho, ang isang paa niyan ay nakatapak na sa hukay. Buhay ang ibinubuwis ng pulis para sa kapakanan ng mamamayan kaya marapat lang na kilalanin ang kanilang kabayanihan kahit sa pamamagitan man lang ng kaunting pinansiyal na tulong,” pagbibigay-diin ni Lim.
Kaugnay nito, pinuri rin ni Lim ang mga guro na umano ay responsable sa paghugis ng mga kabataan upang maging mabubuting mamamayan at ang papel na ginagampanan ng mga guro tuwing halalan, partikular sa pagpapanatili ng maayos at malinis na eleksiyon.
Binigyang kredito ni Lim ang mga kawani ng lungsod dahil sa kanilang kontribusyon upang magtagumpay ang anumang proyektong inilulunsad ng pamahalaang-lungsod para sa kapakinabangan ng mga taga-Maynila.
‘Ang balita ko, nade-delay ang sahod ng mga empleyado. Alam ko na nakalaan na sa mga gastusin ang hinihintay nilang sahod at ‘pag hindi ito dumating sa oras ay napipilitang mangutang ang empleyado kahit malaki ang interes. Kaya naman isa sa mga tinitiyak ko ay pagbibigay ng sahod ng mga empleyado sa takdang araw,” pahayag ni Lim.
Siniguro ni Lim na lahat ng sahod ng mga empleyado ay ibibigay sa takdang araw na dapat nila itong matanggap, gayondin ang kanilang financial benefits, assistance o incentive, kasabay sa mga guro at pulis.
Ukol naman sa senior citizens, inihayag ni Lim ang kanyang plano na dagdagan ang kasalukuyang benepisyo na kanilang natatanggap at ibaba sa 95 years old mula 100 years old ang edad ng isang senior citizen para makatanggap ng ‘centennial incentives’ na P100,000.
Ayon kay Lim, dahil sa naging kontribusyon ng senior citizens sa lungsod noong kalakasan nila ay marapat na sila ay suklian ng pamahalaang-lungsod sa pamamagitan man lang ng pinansiyal na tulong.