BUONG pusong tinanggap ng Murang Kuryente Partylist (MKP) ang desisyon ng Supreme Court (SC) na obligahin ang lahat ng power supply agreements (PSA) na isinumite ng distribution utilities (DU) noon o pagkalipas ng 30 Hunyo 2015 na sumailalim sa competitive selection process na hinihingi ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Bunga ng desisyon ng SC, nabalewala ang lahat ng 90 at iba pang naka-pending na PSA applications, pito rito ang opresibong isinusulong ng Meralco sa mga generation company (GenCo).
“Magandang balita ito. Kung masusunod ang nakasaad sa batas, dapat bumaba ang mga generation charge na ipinapataw sa atin ng distribution utilities tulad ng Meralco,” sabi ni MKP nominee Gerry Arances.
Dati nang nagpetisyon ang MKP sa kataas-taasang hukuman para kumilos kontra sa pitong hindi makatarungang PSA.
Bagamat magdudulot ang tagumpay sa SC nang mas mababang singil sa koryente, nagbabala pa rin si Arances sa mga konsumer na hindi pa tapos ang laban.
“Marami pang maaaring mangyari. Maaari pang humingi ng motion for reconsideration ang mga kompanya na nakikinabang sa mga maanomalyang PSAs. Bukod dito, kahit sa wakas ay masusunod na ang batas sa pagpili ng pinakamurang supplier, marami pa rin probisyon ang EPIRA na nagbibigay nang dagdag na kita sa mga kompanya ng koryente at dagdag pasanin sa mga konsumer,” anang energy advocate.
Ginamit ni Arances ang oportunidad para punahin ang mga politiko na sumasakay sa isyu ng koryente ngunit wala namang ginagawa.
“Hanggang ngayon, hindi pa rin tayo happy tulad ng ipinangako sa atin noon. Kaya dapat, konsumer na ang gumalaw ngayon at ilaban ang interes natin,” anang MKP nominee.
Noong Marso, sinalag ng MKP ang tangka ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca), na tumatakbo rin bilang party-list, na maipasa ang real property tax ng mga electric cooperatives sa konsumer.
Ipinabatid din ng MKP ang kanilang intensiyon, kasama ang Mindanao Coalition of Power Consumers (MCPC) at ang Malinis at Murang Kuryente Campaign (MMK) upang ipetisyon sa SC na atasan ang Energy Regulatory Commission na isupende ang 15 maanomalyang PSA na sanhi ng dobleng singil ng koryente sa Mindanao.
Labingdalawa sa 15 PSA ang hindi nakober ng huling desisyon ng SC.
Tiniyak naman ni Arances sa mga konsumer na ipagpapatuloy ng MKP ang kanilang pakikipaglaban sa mga power company upang maseguro ang mas mababang singil ng koryente para sa lahat ng Filipino.
“Ang koryente, serbisyo at hindi negosyo. Hangga’t hindi nagiging totoo ito sa batas at kalakaran ng koryente sa bansa, hindi kami titigil sa pagkalampag sa mga kompanya ng koryente sa kalsada, sa korte, at sa Kongreso,” sabi ni Arances.
HATAW News Team