INATASAN kahapon ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MMDRRMC) na magsagawa ng inspection sa mga gusali at infrastructures na pag-aari ng gobyerno dahil sa nangyaring pagyanig ng magnitude 6.1 tectonic earthquake na tumama sa Luzon kabilang ang Metro Manila nitong Lunes nang hapon.
Sa isang memorandum na ipinalabas ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim, concurrent head ng MMDRRMC, inatasan niya ang mga miyembro ng naturang tanggapan at local disaster risk reduction and management councils, na magsagawa ng inspection sa lahat ng government structures sa buong Metro Manila.
“You are hereby directed to conduct inspection of all government buildings and infrastructures in your respective areas of responsibility,” nakasaad sa memorandum ni Lim.
Kaagad din ipinasusumite ni Lim ang inspection reports sa MMDRRMC Secretariat.
Inatasan ng MMDA Chief, na magsagawa ng post-earthquake building inspection sa MMDA headquarters building sa Makati City para ma-check kung mayroon itong damage matapos ang lindol.
Nagtalaga rin si Lim ng 10 personnel mula sa Public Safety Division para tumulong sa search at rescue operations sa Porac, Pampanga, isa sa mga lugar na labis na naapektohan ng lindol.
(JAJA GARCIA)