INIANUNSYO ngayon ng east zone concessionaire Manila Water ang plano nilang bill waiver para sa customers na labis na naapektohan ng kasalukuyang water service interruption.
Ang waiver plan na ito ay alinsunod sa patuloy na hakbang na ginagawa ng kompanya upang maibalik sa normal na operasyon ang supply ng tubig.
Matapos makipagkonsulta sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang bill waiver ay naaprobahan at inaasahang ipatutupad sa Abril para sa mga nakaranas ng kakulangan at kawalan ng tubig ngayong buwan ng Marso.
Ayon kay Ferdinand dela Cruz, Presidente at Chief Executive Officer ng Manila Water, ang hakbang na ito ay inaasahang makababawas sa nararanasang abala ng mga consumer dulot ng water interruption.
Ang kabuuang bill waiver ay nagkakahalaga ng P150 milyon.
Ito ang unang pagkakataon na makararanas ng discount ang mga taga-Metro Manila sa kanilang mga bill ng tubig.
Sa kasalukuyan, 97 porsiyento ng consumer ang nakararanas nang mas mahabang oras ng supply ng tubig kompara noong nakaraang linggo, matapos ipatupad ang rotational supply scheme noong 14 Marso.
Lahat ito ay bahagi ng hakbang ng kompanya upang maibalik sa normal ang tubig sa mas maagang panahon, dagdag ni Dela Cruz.
Kung maalala, bago makuha ng Manila Water ang east zone noong 1997, nagkaroon ng matindi at samot-saring problema sa sistema tulad ng 26 porsiyento lamang ng populasyon ng lugar ang may 24 oras na supply ng tubig.
Ito ay dahil sa mga tagas mula sa mga lumang tubo, meter tampering, at ilegal na koneksiyon na nagdulot din ng mataas na insidente ng kontaminasyon at mga sakit na nagmumula sa tubig.
Dahil sa Concession Agreement, ipinasa ng MWSS ang operasyon ng water utilities sa east one sa Manila Water.
Simula 1997, ang mga residente sa east zone ay nakaranas ng pagbabago sa kanilang tubig at serbisyo sa wastewater dahil sa hakbang ng Manila Water para palaguin ang pagbabahagi ng linya at bawasan ang system losses.
Mula sa pagbabahagi ng 440 milyong litro kada araw noong 1997, nabawi ng Manila Water ang water losses at dahilan ito upang maibahagi ang 1.3 bilyong litro ng tubig kada araw sa 6.8 milyong residente.
Mula rito, halos 1.8 milyong residente sa mahihirap na komunidad ang nabigyan ng access sa malinis at abot-kayang tubig sa pamamagitan ng programa ng kompanya na “Tubig Para Sa Barangay” o “Water for the Community.”
HATAW News Team