HULI ang isang aktibong pulis makaraang makuhaan ng tatlong pakete ng shabu sa isang checkpoint sa Las Piñas City kahapon ng umaga.
Nasa kustodya ng Las Piñas City Police ang suspek na si PO2 Alejandro Hernandez, dating nakatalaga sa Manila Police District (MPD) ngayon ay nasa Regional Personnel Holding Accounting Unit ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).
Ayon kay Las Piñas City Police chief, S/Supt. Simnard Gran, naganap ang insidente sa Bgy. Almanza Uno ng naturang lungsod dakong 5:30 am.
Nagsasagawa ng checkpoint ang kanyang mga tauhan sa naturang barangay nang mamataan nila ang suspek na nagmamaneho ng motorsiklo na walang suot na helmet maging ang lalaking angkas nito.
Pinahinto sila ng mga pulis at nang kanilang rebisahin, nakita sa pulis ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu at tactical knife at maging ang backrider nito na hindi na nabanggit sa report ang pangalan ay nakuhaan din ng shabu.
Sinasabing dating nasangkot sa droga kaya iniwan siya ng kanyang asawa na isang pulis rin.
(JAJA GARCIA)