APEKTADO ang malalaking proyektong pang-empraestruktura sa ilalim ng Build Build Build program ang naantalang pagpasa sa 2019 national budget.
Sa press briefing sa Palasyo kahapon, tinukoy ni Transportation Undersecretary Timothy John Batan ang MRT 3 rehabilitation, common station o North extension project para sa LRT 1 North Avenue, Metro Manila Subway at South Commuter Rail.
Bahagi aniya ng pondong gagamitin sa mga proyektong nabanggit ay huhugutin sa 2019 national budget.
Sa kabila nito, tiniyak ni Batan na on time pa rin naman ang pag-usad ng mga proyekto kahit maantala nang kung ilang linggo ang pag-aproba sa proposed national budget na nagkakahalaga ng P3.757 trilyon.
Ginagawa aniya nila ang lahat ng paraan para malagpasan ang mga hamon, kabilang ang paggamit sa mga lupain ng gobyerno para hindi na magkaproblema sa right of way, gayondin ang pakiusap sa contractors at stakeholders na paluwalan muna ang bayad sa mga bibilhing spare parts sa linya ng tren para masimulan ang proyekto. (ROSE NOVENARIO)