MARAMING bumilib pero bumagsak sa kamay ng Makati City police ang French national na kilalang “French Spider Man” nang arestohin matapos umakyat sa ika-46 palapag ng GT International Tower sa Ayala Avenue, Makati City kahapon ng umaga.
Sinabi ni S/Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, nagsimulan akyatin ni Alain Robert, French rock and urban climber ang GT International Tower na matatagpuan sa Ayala Avenue ng lungsod.
Nakarating umano sa tuktok ng nasabing gusali sa 46/F kung saan siya nagpaikot-ikot.
Naglagay ng mga “play table” ang mga awtoridad sa ibaba ng tower bilang pangsalo sa dayuhan kung sakaling magkaaberya o malaglag.
Halos inabot nang isa’t kalahating oras ang tila ‘palabas’ ni Robert na dakong 12:30 ng tanghali ay kusang bumaba at tumalon-talon pa sa inilagay na play table.
Pagbaba, sinalubong ng mga pulis si Robert saka inimbitahan sa punong himpilan pulisya ng Makati.
Sa tala ng Wikipedia, si Robert ay kilala bilang The French Spider-Man (na ginagad sa comic character na Spider-Man) at kung minsan ay tinatawag ding “The Human Spider.”
Si Robert ay pamoso sa kanyang free solo climbing, scaling skyscrapers nang walang gamit na climbing equipment, maliban sa maliit na bag ng chalk at pares ng climbing shoes.
Napag-alaman na umabot na sa 74 matatayog at malalaking gusali ang kanyang inakyat sa iba’t ibang panig ng mundo.
Kabilang dito ang Golden Gate Bridge, Petronas Tower sa Malaysia, Empire State Building at New York Times Bldg., sa Estados Unidos.
Iniimbestigahan pa rin ng pulisya ang ginawang pag-akyat ng French national at inaalam kung anong isasampang kaso laban sa kanya.
Nakiusap si Atty. Howard Calleja kay Simon na kung maaari ay huwag nang sampahan ng kaso ang kanyang kliyente.