ANG pag-ako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naganap na misencounter ng militar at pulis sa Samar ay upang matuldukan sisihan sa nakalulungkot na insidente.
Sa kalatas kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ang ginawang pagsalo ng Pangulo sa responsibilidad sa pangyayari ay tatak ng isang tunay na pinuno.
“It’s to end the blame game. Spoken like a true leader, the buck stops with him,” aniya.
Ang mahigpit na koordinasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga susunod na operasyon sa larangan ay isasagawa upang hindi na maulit ang hindi inaasahang pangyayari.
“Its an unfortunate incident which should not happen again. Closer coordination can be expected between the AFP and the PNP in future ground combat operations,” dagdag niya.
Binisita kamakalawa nina Pangulong Duterte at Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang burol ng mga namatay na pulis sa Matapat Hall sa Camp Ruperto Kangleon, Eastern Visayas.
Mensahe nila sa mga naulilang pamilya, pagpapatawad at hintayin ang resuta ng imbestigasyon sa trahedya.
Nagkaloob ng ayudang pinansiyal at bagong cellular phone ang Pangulo sa mga kaanak ng mga namatay.
Dinalaw rin nina Duterte at Go sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) ang siyam pulis na sugatan at anim na sundalong napinsala sa ibang mga enkuwentro.
(ROSE NOVENARIO)