MAKIKIPAGPULONG ang ilang abogado mula sa San Beda University kay Pangulong Rodrigo Duterte bukas hinggil sa isyu nang pagpapalayas sa bansa kay Sister Patricia Fox.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi niya tiyak kung mababago ang desisyon ng Bureau of Immigration na ipa-deport si Sr. Fox dahil sa paglahok sa mga pagkilos na politikal.
Umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Mission sa kasalukuyang Abbot of the Abbey of Our Lady of Montserrat Manila ng San Beda University na dating San Beda College, dito nagtapos ng abogasya si Pangulong Duterte, na maging tagapamagitan sa kasalukuyang estado ng 71-anyos Australian missionary-nun.
Sa liham ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes, chairman ng komisyon, sa Abbot Chancellor ng San Beda University, umapela siya na pangunahan o ng ibang abogado mula sa unibersidad ang paglilinaw kay Duterte na hindi banta si Sr. Fox sa demokrasya ng bansa kundi isang misyonaryo na nagnanais makatulong sa mahihirap.
Umaasa si Bishop Bastes na magbabago ang desisyon ni Pangulong Duterte sa kaso ni Fox.
(ROSE NOVENARIO)