IDUDULOG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaso ng 40 mangingisdang Filipino na nakapiit sa Indonesia, sa kanilang paghaharap ni President Joko Widodo sa 32nd ASEAN Leaders Summit sa Singapore ngayong linggo.
Ito ang tiniyak ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go matapos salubungin ang 31 mamamalakayang Filipino mula sa Indonesia sa Camp Feranil Naval Station sa Panacan, Davao City noong Biyernes.
Ipinasyal ni Go sa mall sa siyudad ang mga mangingsida kasama ang kanilang pamilya at binigyan ng ayudang pinansiyal at grocery items para makapagsimula ng panibagong buhay.
Walang pagsidlan ng tuwa si Randy Capricho, mangingisda sa GenSan, nang makarga niya ang kanyang 2-anyos anak na ipinagbubuntis pa lang ng kanyang misis nang pumalaot para mangisda, na naging sanhi nang pagkadakip sa kanilang grupo sa Indonesia.
Ang ibang mga kasamahan ni Capricho ay mula sa Zamboanga, South Cotabato at Davao.
“I will find more solutions to address this matter. Para sa lahat ng Filipino, lalo sa mga kababayan natin na naka-detain sa Indonesia, huwag kayong mawalan ng pag-asa. Nandito ang gobyerno para tulungan kayo,” pahayag ni Go.
(ROSE NOVENARIO)