LANDSLIDE na “Yes” ang naging resulta sa ginanap na plebisito sa lungsod ng Navotas u-pang dagdagan ng bagong apat na barangay ang lungsod.
“Nag-yes po ang majority ng concerned residents,” ani Mayor John Rey Tiangco ukol sa ginanap na plebisito u-pang hatiin ang mga barangay North Bay Boulevard South, Tangos at Tanza.
Sa Barangay NBBS, nasa 6,676 ang bumoto ng Yes, at 1,633 ang bumoto ng No. Sa Barangay Tangos, nasa 4,315 ang nag-Yes at 455 ang nag-No, habang sa Barangay Tanza, nasa 2,279 ang bumoto ng Yes at 655 ang bumoto ng No.
Mula sa 14 barangay, aakyat sa 18 barangay ang Navotas. Hahatiin sa tatlo ang Barangay North Bay Boulevard South, hahatiin sa dalawa ang Barangay Tanza, at ang Barangay Tangos.
Matapos ang plebisito, nakatakdang punuan ang posisyon ng mga bagong likhang barangay sa Barangay elections sa Mayo.
“Mandated sa batas na dapat mag-election within 90 days but since malapit na ang nationwide Barangay elections, isasabay na lang,” ayon kay Commission on Elections (Comelec) Navotas election officer Eric Torres.
Sakaling muling ma-postpone ang halalan sa Mayo, kinakailangan magsagawa ng “special elections” upang mapunuan ang bakanteng mga posisyon.
(JUN DAVID)