UUSAD ang Charter change kapag naisabatas na ang Bangsamoro Basic Law (BBL) at napirmahan ang peace agreement ng gobyerno at National Democratic Front (NDF).
Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon, hindi siya magtatalaga ng 25 katao na bubuo sa Consultative Committee na mag-aaral sa pag-amyenda sa Konstitusyon hanggang walang BBL at GRP-NDFP peace agreement.
“I will not name them until I get the hard copy of the agreements,” anang Pangulo.
Giit ng Pangulo, ang hangarin ng mga komunista ay tulad din ng mga gustong mangyari ng lahat ng Filipino.
“Look, ‘yung aspirations ng mga komunista and even if you look at it now, it’s really the same aspiration of all Filipinos, halos pareho,” aniya.
Hinimok niya ang NDFP na magrekomenda ng magiging kinatawan nila sa Consultative Committee.
“O kayo man ang komunista, ‘di magrekomenda kayo ng inyo,” dagdag niya.
Noong nakalipas na Disyembre ay nanawagan si Duterte sa Kongreso, na madaliin ang mga hakbang para amiyendahan ang 1987 Constitution, upang umiral ang federal system of government.
(ROSE NOVENARIO)