AARANGKADA muli ang peace talks ng gobyernong Duterte at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa susunod na buwan.
Ito ang napagkasunduan ng magkabilang panig sa dalawang araw na backchannel talks, na ginanap sa Utrecht, The Netherlands kahapon.
Sa joint statement na inilabas ng GPH-NDFP panel, nakasaad na ipagpapatuloy ang pormal na usapang pangkapayapaan at patitingkarin ang pagpapatupad ng mga naunang bilateral agreements, kasama ang The Hague Joint Declaration, Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).
Napagkasunduan din ang pagbabalangkas ng interim bilateral ceasefire agreement, na magiging epektibo makaraan mabuo ang terms of reference (TOR) at iba pang mga konsiderasyon, gaya ng mga naganap mula noong Agosto 2016 hanggang Pebrero 2017 habang umiiral ang unilateral ceasefire ng dalawang partido.
Ibabalik ng gobyerno at NDFP ang kani-kanilang unilateral ceasefire na ipatutupad bago ang nakatakdang fourth round of talks sa susunod na buwan, at kapag naipabatid na sa mga puwersa ng pamahalaan at rebelde.
Alinsunod sa pagbabalik ng bisa ng JASIG at upang matiyak na walang magiging hadlang sa partisipasyon ng 19 NDFP consultants at staff sa peace talks na pinalaya noong Agosto 2016, palalayain ng gobyerno ang “rearrested consultant” tiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng lahat ng consultants, gayondin ang pagpapalawig ng bisa ng kanilang piyansa at iba pang legal na remedyo.
Itinakda ng magkabilang panig ang pagdeposito at pagpapatago nang binuo muling listahan at larawan ng NDFP consultants na may hawak ng safe conduct pass o saklaw ng JASIG sa 14 Marso 2017, at ang mga dagdag na patakaran hinggil sa kanilang dokumento.
Ang fourth round ng peace talks ay gaganapin sa unang linggo ng Abril, habang ang fifth round ay sa Hunyo 2017.
(ROSE NOVENARIO)