BARADO ang komunikasyon sa Palasyo kaya minsan ay mali ang balitang natutunghayan ng publiko dahil hindi regular na nakakausap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang communications group.
Nabatid kahapon sa panayam kay Communications Secretary Martin Andanar sa DZRH, hindi totoo ang napaulat na naglaan ng dalawang bilyong piso si Pangulong Duterte na ayuda sa Surigao City, na niyanig ng magnitude 6.7 lindol.
Imbes tanungin mismo si Pangulong Duterte para maintindihan ang ibig sabihin ng Punong Ehekutibo sa pahayag na “dalawang bilyong piso” ay si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go ang kinausap ni Andanar makaraan magtalumpati si Duterte sa wikang Bisaya sa Surigao City kamakalawa ng hapon nang bumisita sa quake victims.
Sa pagkakaunawa ni Andanar, ang konteksto ng talumpati ni Duterte hinggil sa dalawang bilyong piso ay kapag nagsara ang mga minahan sa Surigao del Norte, mawawalan ng hanapbuhay ang mga residente.
“I would like to clarify that. The President was saying that in the context of the mining. Sabi niya kung isasara iyong mining, mawawalan ng trabaho iyong tao. Okay. Kung mawawalan ng trabaho iyong tao e magbibigay siya, ‘ito para pakilagbuhi 2 billion. Okay na ba sa inyo yan?’ ganoon,” aniya.
“Iyon ang pagkakaintindi ko. Kasi we were deciphering it, nag-uusap kami ni SAP Bong. Sabi ko, ba’t ano ba iyon, 2 billion ba iyon para sa — Sabi ni Bong wala naman akong narinig na ganoon. Merong binanggit si Presidente doon sa meeting, doon sa cluster sa baba, pagdating mismo namin nag-meeting kaagad.
“Sabi niya merong 1 billion akong ibinigay kay DSWD para sa mga gamot, another 1 billion para sa kailangan pa ng iba pang tulong. Iyong 2 billion, ang sinabi, itong 2 billion okay na ba?
“Ito iyong binanggit in Presidente, when he was talking in the context of mining problem, na pag naisara ito mangangailangan ng trabaho iyong tao. Kasi palagay ko naman, iniisip ko ang damage na kailangan is 63 billion pagdating doon sa mga napinsalang mga — 63 million plus parang iyon ang nabanggit na nasira doon sa infrastructure dahil sa lindol, tapos i-yong kailangan nung tao — iyong mga nasirang mga building, based on the last estimate is 630 plus million, pero private iyon, mga private na nasira,” kuwento ni Andanar.
Dakong 1:00 pm, nagtalumpati si Duterte ngunit ang transcript ng kanyang speech ay ipinadala sa media ng News and Information Bureau dakong alas-diyes ng gabi o siyam na oras makaraan ang event.
Habang ang press release ay ipinadala sa media ng Presidential News Desk (PND) dakong 8:15 am kahapon o 19 oras matapos ang aktibidad.
Ilang beses nang naggirian ang mainstream media at ang Palasyo sa magkakaibang interpretasyon sa talumpati ni Pangulong Duterte dahil madalas sisihin ng ilang Communications officials ang mga mamahayag na ‘binabaluktot’ ang mensahe ng Punong Ehe-kutibo.
Sa mga nakalipas na administrasyon ay maagap na naglalabas ng press release o statement ang Communications group makaraan ang presidential activity o kapag may hindi malinaw na pahayag ang Pangulo ng Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)