SI Jonathan Manalo mismo ang pumili sa mga singer na mapapanood sa selebrasyon niya sa music industry sa pamamagitan ng concert na may titulong KINSE: The Music of Jonathan Manalo na gaganapin sa Music Museum sa Disyembre 3, 7:00 p.m..
Ang guest performers ay sina Vice Ganda, Brenan, Gloc 9, LiezelGarcia, Alex Gonzaga, Toni Gonzaga, Sam Milby, Jona, Juris, Kyla, Morissette Amon, Piolo Pascual, Janella Salvador, Thor, Erik Santos, Marion, KZ Tandingan, Aiza Seguera, Yeng Constantino, Lani Misalucha, at Gary Valenciano.
Sabi ni Jonathan, ”hindi talaga ako mahilig humingi ng personal favor, kaya sabi ko, ngayon lang ako manghihingi ng favor sa mga ito, sana pagbigyan nila ako, kaya sobrang tuwa ko noong pumayag silang lahat para sa isang gabing celebration.”
May ibang singers na nagawan na rin ng kanta o nakatrabahong si Jonathan pero mas pinili niya ‘yung may naging signature hit songs na siya mismo ang sumulat.
Tinanong namin kung sino ang pinaka-paborito niya sa lahat ng nagawan niya ng kanta, ”naku, ang hirap, favorite ko silang lahat,” natawang sagot sa amin.
Ini-reveal ni Jonathan na gusto niyang imbitahin din sana sina Regine Velasquez at Lea Salonga, kaso sobrang nahiya na siya.
“Nahiya ako, hindi ko tinawagan (Regine), siguro sa 25th year na lang. Si Lea, nahiya talaga rin ako,” pag-amin pa.
At ang favorite niyang composer sa local, ”ako si Mr. C (Ryan Cayabyab), lahat naman tayo tinitingnan natin. Special mention ko si kuya Jungee Marcelo, siya kasi talaga ‘yung mentor ko, so I looked up to him.”
Diretsong tanong din namin sa kompositor kung naka-experience na siya ng singers na ayaw mag-record o wala sa mood at hindi sumipot sa recording.
“Ay oo, kasi iba-ibang personality, iba-ibang ugali. Ako kasi number one sa akin to build relationship and rapport, build mutual respect, so aalamin mo talaga ang ugali nila kasi artist ‘yan, kumbaga may mga mood ‘yan na sasakyan mo, aalamin mo kung paano sila nag-o-operate as an artist or as a singer, so ‘yun ang challenge na enjoy ko kasi may personal relationship ako sa kanila,” pagtatapat ulit.
Ano ang ginagawa ni Jonathan kapag ayaw mag-record?, ”Naku kapag ayaw nilang mag-record, hindi puwede! Mino-motivate ko sila. I bring them to that creative space na lalabas ‘yung pinakamagandang expression ng pagkanta nila.”
At ang pinakamadaling artist na kuha kaagad ang kanta na isang pasada lang, ”Sa lalaki si sir Gary at sa babae, si Ms Lea,” pag-amin ulit sa amin.
Si Regine naman daw ang pinaka-nahirapan o na-intimidate si Jonathan dahil, ”kasi siya ‘yung diva of all divas. At hindi rin siya Kapamilya kaya hindi ko siya tinawagan, pero everytime na nakakatrabaho, parang panaginip lang kasi legend si Ms Regine kaya very thankful ako na nakatrabaho ko siya on some projects (soundtrack sa movie nina Regine at Piolo—‘Paano Kita Iibigin’).”
“Si sir Gary, hindi pa rin nawawala ang pagka-starstruck ko kasi forever idol ko siya, ang dami na naming nagawang songs together, award winning songs, pero everytime na napapasok ako sa studio with him, ganoon pa rin, fan pa rin ako,” kuwento ni Jonathan.
Ang KINSE: The Music of Jonathan Manalo ay supported ng ASAP, MYX, MOR 101.9, Manila Concert Scene, ABS.CBN.com, Onemusic.PH at BillboardPH produced ng Cornerstone concerts at Star Events.
FACT SHEET – Reggee Bonoan