UMAKYAT na sa 17 ang bilang ng mga nagpositibo sa Zika virus sa ating bansa.
Ito ang inianunsiyo ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial, makaraang madagdag ang dalawang biktima mula sa Metro Manila.
Isang 42-anyos lalaki mula sa Makati City at isang 27-anyos babae mula sa Mandaluyong City ang latest Zika victims.
Sa record ng DoH, pinakamaraming naitalang nagpositibo sa nasabing virus ang Iloilo na may 12 kaso, isa sa Muntinlupa City, isa sa Cebu City, isa sa Antipolo City at ang karagdagang dalawa mula sa Makati at Mandaluyong.
Sa kabila nito, malugod na ibinalita ni Ubial na lahat ng mga na-detect nilang biktima ng virus ay naka-recover na.
Muling nagpaalala ang DoH chief na panatilihing malinis ang paligid upang maiwasan ang pagdami ng lamok na nagdadala ng Zika at iba pang sakit.