SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
IKINAGULAT subalit masaya ang aktor na si Zanjoe Marudo sa nakatakdang pagpapakasal ng dati nitong girlfriend na si Bea Alonzo.
Sa ambush interview ng ABS-CBN sa media conference ng pinakabagong teleseryeng pagbibidahan ng aktor kasama si Angelica Panganiban, ang The Silent Noise noong Martes sa Gateway Cinema 11 nagulat ito at nasabing, “Totoo ba? Wala akong imbitasyon eh.”
At idinagdag ang, “Yes, of course, I’m very happy for her. Finally ‘di ba?!
“Lahat tayo kailangang maging masaya sa mga batch namin. At least ito, unti-unti na kaming nabubuo.”
Umugong sa social media ang napipintong pagpapakasal nina Bea at Vincent nang kumalat ang wedding banns ng dalawa. Inihayag din publicly ang magaganap na kasalan sa St Peter the Apostle Parish sa Paco, Maynila.
Wala pa namang inilalabas na official statement sina Bea at Vincent ukol sa kanilang pagpapakasal.
Naging magkarelasyon naman sina Zanjoe at Bea taong 2010 na tumagal ng limang taon.
Sa kabilang banda, ang The Silent Noise ay isang crime thriller series na ipalalabas simula Marso 20 sa Prime Video. Idinidirehe ito ni Onat Diaz.
Ang kuwento ay nakasentro sa isang pamilyang humaharap sa mga lihim, trauma, at isang malagim na kamatayan.
Bukod kina Zanjoe at Angelica, kasama rin dito sina Zaijian Jaranilla, Mutya Orquia at introducing ang batang si KD Omalin.
Prodyus ito ng AB-CBN Studios na bukod sa misteryo sinusuri ng The Silent Noise ang emosyonal na bigat ng pagiging magulang sa gitna ng kawalan ng katiyakan. Inilalarawan nito kung paano mapoprotektahan at masisira ng katahimikan ang mga relasyon at kung paano nasusubok sa huli ang mga pundasyon ng pagmamahalat katapatan.
Bago ang serye, nagkasama muna sina Zanjoe at Angelica sa Metro Manila Film Festival movie na UnMarry.
Ayon kina Angelica at Zanjoe napakaganda ng istorya ng The Silent Noise para palampasin nila o hindi tanggapin.
“Lahat ng ipinakita ay papunta sa yes. Ang ganda-ganda talaga ng istorya na ipini-present nila sa akin. May mga nag-present na sa akin noon na parang hindi na nila hinintay ‘yung yes or no, hindi na lang ako sumagot parang naintindihan na nila Tita Cory (Vidanes) na ayaw niya hindi siya sumagot.
“But with this, ang hiningi ko lang is timeline parang ‘yun lang ‘yung sa akin. Parang kilalang-kilala nila ako na gusto talaga ni Angge natsa-challenge siya. Totoo naman,” wika ni Angelica na nag-aral pa talaga ng sign language para sa seryeng ito.
“Be careful what you wish for. Kaya noong ipinresent sa akin, sabi ko, ito na, ito na ‘yung hinihintay ko, ito na ‘yung wini-wish ko at pinagpi-pray ko, naibigay sa akin. So hindi ko ito tatanggihan,” giit pa ni Angelica.
Nabighani rin si Zanjoe sa ganda ng istorya na siyang unang ikinonsidera niya kaya tinanggap ang serye.
“Malayo ‘yun (location) pero dahil sobrang hirap palagpasin ‘yung character, mahirap palagpasin ‘yung istorya. Siyempre thankful kami na isa kami sa mga una na gagawa ng mini-series for Prime kaya hindi ba malaking tulong ito para sa career namin. Kumbaga mas mapapanood kami globally,” paliwanag ni Zanjoe na sinuportahan ng asawang si Ria at hipag na si Gela Atayde sa isinagawang media conference at special screening.
Idinagdag pa ni Zanjoe na hindi pa niya nagagawa ang role na ibinigay sa kanya sa The Silent Noise. “Iba eh. Hindi ko pa nagawa iyong ganoong klaseng character na marami kaming layers na parang ipinakita na hindi mo dapat ipahahalata pero kailangan mong ipahalata, ‘yung mga ganoon.”
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com